ANG LIBRONG ito ay bunga ng isa sa dalawang gantimpalang University Research Coordinating Office (URCO) research project na nakamit ng awtor noong 2005 dahil nanalo sa kategoryang Outstanding Book/Monogram ng St. Miguel Febres Cordero Research Award (De La Salle University-Manila) ang librong Erick Slumbook: Paglalakbay Kasama ang Anak Kong Autistic (Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 2004). Gayunman, ang dalawang gantimpalang proyektong pananaliksik na ito ay noong 2008 na lamang napasimulan dahil naging abala ang awtor bilang tagapangulo ng Departamento ng Filipino, at pagkatapos ay nagservice leave naman para asikasuhin ang ilang naisantabing librong proyekto.
‘Tinig’ ang motif ng libro: ang tinig ni GEM, at ang alingangaw ng kanyang tinig sa pamamagitan ng mga taong mas kilala siya, mas nakasama siya. Ang katipunan ng mga interbyu, sa anyong Tanong at Sagot, ay pagsusulong at pagpapatibay sa nasabing tinig-motif. Sa bahaging ito ay nais ng awtor na ipaalam sa mga mambabasa na ang mga intebyu tungkol kay Aling Bebang ay hindi lamang pinaggrupo-grupo ayon sa mga kategorya (mga kamag-anak; mga kapwa manunulat, atbp.). Dagdag pa rito, sa bawat grupo ay sadyang pinili ang partikular na interbyung malakas ang dating ng mga huling pangungusap bilang ‘tagapagsara’ sa nasabing grupo ng mga interbyu. Sa pamamagitan ng malakas na ‘tagapagsarang’ ito ay lalo pang nabibigyang-diin ang ang tunay namang malakas na personalidad at karakter ni Aling Bebang; isang personal na paraan ito ng awtor para maging mas malikhain at mas matibay ang disenyo’t estruktura ng libro.